86th IB at BFAR, Namigay ng Tulong Pangkabuhayan!

Cauayan City, Isabela- Ipinagkaloob na ng mga kasundaluhan katuwang ang tanggapan ng Bureau of Fisheries at Aquatic Resources (BFAR) Region 2 ang nasa 60,000 na tilapia fingerlings sa 19 na barangay na isinagawa sa himpilan ng 86th Infantry Battalion na nakahimpil sa bayan ng Jones, Isabela.

Personal na iniabot kahapon nina LTC Ali Alejo, Commanding Officer ng 86th IB ng 5th ID, Philippine Army at Ginoong Herman Cabudol, Agricultural Technologist Fishery Program Officer ng Jones, Isabela ang tig- tatlong libong (3,000) fingerlings sa 19 na barangay na sakop ng JESSA Complex bilang bahagi sa Community Support Program (CSP) ng kasundaluhan na naumpisahan noong nakaraang taon.

Ang mga Barangay na nabigyan ay ang mga sumusunod: Brgy Minuri, Napaliong, Dicamay Uno at Dos, Sta Isabel, Namnama, at Villa Bello ng bayan ng Jones, Brgy Sinalugan, Aringay, Dingading at San Francisco ng San Guillermo, Brgy Palacian at Sto Domingo ng San Agustin at Brgy Benguet, San Miguel, Mabbayad, Dicaraoyan, Diasan, San Carlos ng Echague, Isabela.


Ayon kay Ginoong Herman Cabudol, kanyang sinabi na dapat alagaan at paramihin ng mga mamamayan lalo na ang mga opisyales ng barangay ang ibinigay na pangkabuhayan upang makadagdag sa kita ng barangay.

Pinasalamatan naman ni Punong Barangay Warlito Acob ng Dicamay 2, Jones, Isabela ang BFAR at 86th IB dahil sa tuloy – tuloy na pagbibigay ng tulong sa mga nasa liblib na lugar at nangako naman ito na kanilang palalaguin ang ibinigay na tulong ng nasabing ahensya.

Ayon naman kay LTC Alejo, lalo pang paiigtingin ng kanyang tropa ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang mas mapabuti pa ang pagbibigay serbisyo sa mamamayan at mapaunlad ang pamumuhay ng mga nasa kanayunan.

 

Facebook Comments