86th Infantry Battalion, Binigyang Pagkilala ng Pamunuan ng AFP!

*Jones, Isabela- *Personal na iginawad ni Gen. Benjamin Madrigal Jr., Chief of Staff AFP kay LTC Remigio Dulatre, pinuno ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion ang “Kapayapaan” plaque sa naganap na pagtitipon sa General Headquarters Camp Emilio Aguinaldo Quezon City noong ika-24 ng Hulyo 2019.

Ito ay bilang pagkilala sa naiambag ng pamunuan ng 86th IB sa pagtaguyod ng kapayapaan at kaayusan sa kanyang nasasakupan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa 86th IB, malaki ang naging pasasalamat ni Lt. Col. Dulatre sa natanggap na parangal na kauna-unahang nakuha sa buong pamunuan ng 5th Infantry Division dahil na rin sa kanilang ipinamalas na kahusayan at pagka-propesyonalismo.


Inihayag ni Lt. Col. Dulatre na mas lalo pa nilang pagbubutihin ang kanilang trabaho katuwang ang iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan para sa ikabubuti ng taong bayan.

Magugunita na noong taong 2018 ay puspusan at patuloy ang pag-papatrolya ng buong tropa ng 86th IB na nagresulta ng mga sagupaan sa panig ng gobyerno at ng makakaliwang grupo na nagresulta sa pagkakabuwag ng Southern Front Committee ng NPA.

Kabilang rin dito ang pagpapatupad ng kasundaluhan ng mga Quick Impact Project sa mga barangay na pinamumugaran ng teroristang NPA at pagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa iba’t –ibang barangay ng JESSA Complex.

Ang 86th Infantry (Highlander) Battalion ay isa sa sampung batalyon na nakatanggap ng nasabing parangal, at nag-iisa rin na Batalyon na naparangalan sa buong 5th Infantry Star Division.

Facebook Comments