Aabot na sa 87.4% ng ₱22.9 billion na inilaang cash aid sa mga residenteng apektado ng pagpapatupad ng mahigpit na lockdown sa NCR Plus ang naipamahagi na.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nasa 20,028,288 beneficiaries ang nabigyan ng cash assistance mula nitong May 13.
Ang kabuoang halaga na nai-distribute na sa mga benepisyaryo ay nasa higit ₱20 billion.
Ang mga residente sa Metro Manila ang nakatanggap ng malaking halaga ng ayuda na nasa ₱9.5 billion.
Hanggang bukas, May 15 na lamang ang ibinigay na palugid sa mga Local Government Unit (LGU) para mamahagi ng ayuda.
Pero sinabi ni Año na maaari pa silang magbigay ng karagdagang 10 araw sa mga LGUs para bumuo ng supplemental payroll para ibigay ang natitirang cash aid sa mga kwalipikadong pamilya.