Mayorya ng mga Pilipino ang nababahala na tamaan ng COVID-19.
Sa COVID-19 Mobile Phone Survey ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na 87% ng mga Pilipino ang nangangamba na mahawa sila ng virus o sinuman sa kanilang pamilya.
Habang 13% ang nagsabing hindi sila nababahalang makakuha ng sakit.
Lumabas din sa survey na karamihan sa mga nababahalang magkaroon ng COVID-19 ay mula sa Metro Manila na nasa 93% at Visayas na may 91% kumpara sa Mindanao at Balance Luzon na may 85% at 84%.
Kumpara rin sa mga naunang survey, mas mataas ang bilang ng mga Pinoy na may pangambang magpositibo sa virus kumpara sa Ebola (2004); Swine Flu (2009); Bird Flu (2006) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong 2003.
Isinagawa ang survey noong May 4 hanggang May 10, 2020 na nilahukan ng 4,010 working-age Filipinos sa pamamagitan ng mobile phone at Computer-Assisted Telephone Interviewing (CATI).