Agad inilikas ang nasa 87,000 katao dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon kahapon.
Ayon kay Defense Secretary and National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman Gilberto Teodoro Jr., nagpatupad kaagad ng emergency evacuation upang maiwasan ang casualties.
Base sa datos, pinakamatindi ang sitwasyon sa bahagi ng La Castellana kung saan halos 47,000 indibidwal na nakatira sa loob ng 4-6 km danger zone ang apektado.
Samantala, nananatiling pokus ng operasyon ng mga awtoridad ang Barangay Sag-ang dahil doon papunta ang hangin na malaki ang banta ng ashfall.
Kinakailangan naman ng agarang suporta para sa paglilikas ng mga residente sa Barangay Cabagnaan, pati na rin sa mga bayan ng Himamaylan, Hinigaran, Isabela, Pontevedra, at Moises Padilla.
Bilang paghahanda naman sa worst-case scenario ang Panaad Stadium sa Bacolod City ay itinalaga bilang primary evacuation center na kayang mag-accommodate nang hanggang sa 30,000 mga bakwit.
Sa ngayon, tulong-tulong ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ayuda sa mga apektadong mga kababayan.