89-anyos na tatay, hinostage at sinaksak ng 64-anyos na anak

439
PEXELS

Patay ang isang 89-anyos na ama sa Quezon City matapos gawing bihag at pagsasaksakin ng 64-anyos na anak nitong Biyernes.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2 ang biktima na si Roberto Aldiz habang ang salarin naman ay si Arnelito Aldiz.

Dakong alas-8 ng umaga nang makatanggap ng ulat ang pulisya kaugnay ng nagaganap na hostage taking sa isang bahay sa Barangay Del Monte.

Pagdating sa crime scene ay bumungad sa mga awtoridad ang duguang katawan ng nakatatandang Aldiz na tadtad ng mga saksak.

Napilitan din ang mga rumespodeng pulis na magpaputok ng baril nang manlaban sa kanila ang suspek sa gitna ng operasyon.

Agad na dinala si Arnelito sa pagamutan dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na dati palang barangay tanod ang akusado.




Posibleng away sa mana o pera ang dahilan ng karumal-dumal na pagpatay.

Facebook Comments