9 Bayan sa Cagayan Valley, Pinagtibay ang Suporta sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)

Cauayan City, Isabela- Muling pinagtibay ng siyam (9) na bayan sa Cagayan Valley ang kanilang suporta sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng paglagda sa Specific Implementation Agreements (SIA) sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) at Local Government Units (LGUs) mula June 8 hanggang August 27, 2021.

Ang 9 na LGU mula sa 87 munisipalidad na kasama sa 4Ps program ay ang mga bayan ng Enrile sa Cagayan; Quezon, Tumauini at Burgos sa Isabela; Aritao, Solano, Quezon, Dupax Del Norte at Dupax Del Sur sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay 4Ps Regional Program Coordinator Vicenta Pamittan, isinagawa ang ceremonial signing ng SIA noong 4Ps Anniversary at Regional Graduation Ceremonies sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong June 9 kung saan ang LGU Quezon at Solano maging ang Provincial Government ay una sa mga lumagda.


Sinabi pa ni Pamittan na bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya nito, ang DSWD Field Office 2 ay nagsagawa rin n consultative meeting kasama ang LGUs at Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDOs) upang talakayin ang mga probisyon ng kasunduan at mapadali ang pagpirma ng mga local chief executives para sa natitirang 78 bayan.

Nakapaloob sa kasunduan ang ilang tungkulin at responsibilidad ng kagawaran maging ang mga LGU upang matiyak ang mabisa at epektibong pagpapatupad ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa tungkulin ng LGU sa epektibong paglipat ng mga 4Ps families mula sa programa sa ilalim ng Republic Act 11310 o Act Institutionalizing the 4Ps.

Hinimok rin ang mga LGUs na gamitin ang pagpapatupad ng “Kilos Unlad Seven Year Social Case Management Strategy”, kabilang ang pagbuo ng Local Transition Plan, pagtatatag ng isang sistematikong pagpapatakbo at mabantayan ang mga pamilyang nagtapos na sa programa, at mapondohan ang post service interventions para mapanatili ang mga paglabas ng mga kabilang sa programa.

Facebook Comments