
Siyam ang nasawi sa karambola ng walong mga sasakyan sa kahabaan ng Sumulong Highway sa Brgy. Mambugan, Antipolo City, Rizal.
Ayon kay Relly Bernardo ng Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Office o DRRMO, isang driver ng wing van ang naipit ng mahigit isang oras.
Sinabi naman ni Bernardo na nakakausap naman ang driver gamit ang cellphone nito habang siya ay naiipit sa van.
Isang malaking dump truck din ang nakabanggaan ng wing van.
Nadamay rin sa karambola ang dalawang kotse, dalawang motorsiklo, isang toktok ang tumagilid at nadamay rin ang isang elf truck.
Nabasag din ang kahon-kahong bote ng soft drinks na karga ng elf truck at nagkalat sa kalsada ang mga basag na bote.
Naapektuhan din ang daloy ng trapiko sa magkabilang panig ng Sumulong Highway kaya’t nagpatupad ang PNP ng traffic rerouting sa lugar.
Patuloy na iniimbistigahan ng mga awtoridad ang aksidente, at patuloy rin ang paglilinis sa mga nagkalat na basag na bote ng soft drinks.









