Nasagip ng mga tauhan Bureau of Immigration (BI) ang siyam na taong hinihinalang biktima ng human trafficking na nagtangkang umalis ng bansa sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga turista.
Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, naharang ng mga tauhan ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang siyam bago makasakay ang mga ito ng eroplanong patungong Taiwan.
Inamin aniya ng siyam na ilegal silang ni-recruit para magtrabaho bilang orange pickers sa Jeju Island, South Korea at may buwanang sahod na P65,000.
Nagpanggap daw ang mga pasahero na bibiyahe papuntang Jeju Island para manood ng acrobatic exhibition show.
Pero naghinala ang mga awtoridad nang magbigay ang mga ito ng magkakasalungat na sagot sa tanong ng mga immigration officer.
Sabi ni Medina, ibinigay ang siyam sa inter-agency council against trafficking para sa kaukulang tulong at karagdagang imbestigasyon.
Naharang ang siyam halos isang linggo matapos mailigtas ng mga tauhan ng BI ang walong manggagawang sinubukang tumulak pa-cyprus sa pamamagitan din ng pagpapanggap bilang mga turista.
Naniniwala naman si NAIA Terminal 3 BI-TCEU Chief Glen Comia na isang sindikato lang ang nasa likod sa pag-recruit sa mga biktima sa parehong insidente.