
Naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang siyam na Chinese nationals sa isang operasyon laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at human trafficking sa isang bahay sa Mandaue City, Cebu nitong July 2, 2025.
Ayon sa ulat na nakarating kay CIDG Acting Director PBGen. Romeo Macapaz, ang operasyon ay nagsimula sa natanggap na distress call mula sa isang Filipina na biktima ng umano’y human trafficking.
Agad rumesponde ang mga awtoridad, dahilan para mailigtas ang biktima at madakip ang siyam na Chinese nationals na umano’y sangkot sa ilegal na POGO/scam hub at human trafficking.
Lumabas sa imbestigasyon na ang biktima at iba pang Pilipinong manggagawa ay sapilitang ikinulong at pinatrabaho sa naturang bahay na ginagamit umano sa panloloko.
Nasamsam sa operasyon ang 21 desktop computers, 40 cellphones, isang tablet, at iba’t ibang electronic accessories na hinihinalang ginagamit sa ilegal na operasyon.
Ang mga ebidensyang ito ay isinailalim sa forensic examination ng Anti-Cybercrime Group (ACG) para sa masusing imbestigasyon.
Hawak na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 gayundin ang mga batas ng Bureau of Immigration (BI).









