Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 9 na crew kabilang ang kapitan matapos magka-problema ang kanilang motorbanca sa karagatang sakop ng Zamboanga del Norte.
Sa imbestigasyon, tumama sa isang matigas na bagay ang kanilang motorbanca dahilan para mabutas ito.
Nabatid na hindi napansin ng crew ang nasabing matigas na bagay bunsod ng malakas na alon dulot ng masamang lagay ng panahon.
Nagmula ang motorbanca sa Hasiman Tanjung, Jolo, Sulu at papunta sana ng Dipolog City ng mangyari ang insidente sa karagatan sakop ng Liloy, Zamboanga del Norte.
Nakipag-ugnayan naman ang PCG sa MV Empress Amy para magsagawa ng search and rescue operation kung saan nahatak din nito ang palubog na sana na motorbanca.
Nakauwi naman na sa kani-kanilang tahanan ang mga crew na pawang mga residente ng Zamboanga City matapos masiguro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na nasa maayos na silang kalagayan.