Naniniwala si Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command (AFP WestMinCom) Chief Major General Corleto Vinluan Jr. na mayroong posibilidad na ang siyam na pulis na sangkot sa Jolo shooting incident ay nakipagsabwatan sa dalawang suicide bombers na tinutunton ng apat na sundalong napatay noong June 29.
Ayon kay Vinluan, halos maraming magkakamag-anak sa Sulu.
Aniya, may mga miyembro ng Abu Sayaff Group (ASG) o Moro National Liberation Front (MNLF) na may kamag-anak na pulis.
Hindi pa tiyak si Vinluan kung sino sa mga pulis ang posibleng may kamag-anak sa mga sinasabing suicide bombers dahil nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Kabilang sa mga tinitingnan nilang anggulo ay “rido” o family feud at ilegal na droga.
Pinabulaanan din ni Vinluan na ang isa sa mga napatay na sundalo na si Corporal Abdal Asula ay sangkot sa ilegal na droga.