Humarap sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong June 29, 2020.
Lumabas sa pagdinig na ang mga sundalo na naka-civilian at sakay ng SUV o Montero ay hinarang sa checkpoint ng mga pulis, tinutukan ng baril at pinapababa pero napagpasyahang papuntahin na lang sa Jolo Police Station para doon kausapin.
Pero ayon kay Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, team leader ng PNP personnel, hindi ito huminto pagdating sa istasyon ng pulisya kaya kanilang hinabol.
Sabi ni Padjiri, nang tumigil ito sa tapat ng Bureau of Fire Protection (BFP) at isang coffee shop ay nilapitan niya at kinatok para kausapin ang mga sakay pero nagulat siya nang bumaba si Major Marvin Indamog na armado kaya nagkaroon ng putukan.
Pero taliwas ito sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasabing base sa mga testigo ay walang hawak na armas ang apat na mga sundalo nang mangyari ang insidente at sa katunayan, lahat ng basyo ng bala sa lugar ay tumugma sa baril lamang ng mga pulis.
Ayon kay Atty. Zulikha Marie Degamo ng NBI Death Investigation Division, pareho ang salaysay ng mga testigo na bumaba si Major Indamog ng Montero, na nagpakilalang tropa habang nakataas ang kamay at itinaas pa ang kaniyang t-shirt para ipakita na wala siyang baril.
Pero pinagbabaril umano ito ng mga pulis at kahit nakadapa na ay binaril uli.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng NBI na ang unang putok ng baril ay narinig sa loob ng Montero kung saan isa sa mga pulis umano ang binuksan ang sasakyan at pinaputukan ang mga sakay nito.
Sabi ng NBI, binanggit din ng mga testigo na hindi totoong tatakas ang mga sundalo dahil mabagal ang takbo ng sasakyan nito at huminto ilang metro ang layo lagpas sa Jolo Police Station.
Pero giit ni Padjiri, wala silang planong barilin at mapatay ang mga sundalo, at kaya nagkaputukan ay dahil nakita nilang armado rin ang mga ito at iniligtas lang din nila ang kanilang mga buhay.
Diin ni Senator Dela Rosa, lumulutang sa pagdinig na kawalan ng mahigpit na koordinasyon ang dahilan kaya nangyari ang insidente.
Hindi kasi batid ng mga pulis na may sinu-surveillance na suicide bombers ang mga sundalo.