Nagpahayag ng pagkadismaya si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. General Gilbert Gapay dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasampahan ng kaso sa korte ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu nitong Hunyo 29, 2020.
Ang sentimyento ay inilabas ni Gapay sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald Bato dela Rosa.
Kinakitaan din ni Gapay ang spot report ng pulisya ng pagtatakip, inconsistencies at misleading dahil sa angulong ‘self defense’, gayong tila sinadyang patayin ang mga sundalo sapagkat panay sa likod ang tama ng mga ito.
“We still hope that truth shall come out and justice will be served immediately. It has been almost two months since this incident happened. We are surprised that there are no charges yet… We find the initial report as fabricated and full of inconsistencies and really misleading… Sa report pa lang, medyo questionable and there is an apparent cover up”
Sa hearing ay sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Archie Gamboa na nasa restrictive custody na ng PNP ang siyam pero hindi pa nasususpendi dahil hindi pa sila nasasampahan ng kaso sa korte kaya wala pa silang kinakaharap na warrant of arrest at commitment order.