Kinasuhan na ng National Bureau of Immigration (NBI) ang siyam na indibidwal na sinasabing nasa likod ng panlilinlang sa publiko sa pamamagitan ng paglalagay ng identical machines sa ilang establisyimento partikular ang payment machines.
Kabilang sa mga sinampahan ng NBI ng Unfair Competition sa ilalim ng Section 168 ng Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines sa Manila Prosecutor’s Office sina:
1. Perseverando Hernandez
2. Marlon Portugal
3. Antonio Lasala
4. Reynaldo Isidro
5. Rachel Mercado
6. David Scott Glen
7. Peter Alexander Blacket
8. Danilo Ibarra
9. Alina Sison
Una nang naglabas ng search warrant si Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court Branch 46, na siya namang isinilbi ng NBI-Intellectual Property Rights Division.
Kasunod ito ng reklamo ng Manila Express Payment System (MEPS), na siyang may-ari ng TouchPay na isang payment system sa pamamagitan ng automated payment machine.
Batay sa reklamo ng MEPS, nasira ang kanilang pangalan matapos na magreklamo ang ilang kliyente na pumalpak ang kanilang mga makina nang magbayad ang mga ito.
Dito na natuklasan ng MEPS na ang mga makina na nagamit ng publiko ay hindi sa kanila at ito ay identical machines lamang na pag-aari ng Xytrix Systems Corporation.
Ayon pa sa complaint ng MEPS, ito ay panlilinlang sa publiko lalo na’t kinopya pa ng Xytrix ang kanilang tagline na “Easy.Fast.Convenient”.