9, patay; higit P100 milyon, iniwang pinsala sa imprastraktura ng Bagyong Vicky

Umabot na sa siyam na katao ang namatay sa Leyte, Agusan del Sur, at Surigao del Sur habang apat na iba pa ang nawawala dahil sa Tropical Depression “Vicky” na humagupit sa Mindanao at ilang bahagi ng Visayas.

Ang datos ay mula sa pinagsama-samang datos ng Philippine National Police (PNP) at Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay OCD Spokesperson Mark Timbal, tatlo sa mga namatay sa bayan ng Mahaplag, Leyte; tatlo naman sa San Francisco, Agusan del Sur; at tatlo naman ay naitala sa Surigao del Sur.


Hinihintay pa nila ang official report mula sa mga concerned Local Government Units (LGUs) para malaman ang dahilan ng pagkamatay ng mga fatalities.

Sinabi ni Mahaplag Mayor Daisy Lleve, dalawa ang namatay sa Barangay Cuatro de Agosto noong Sabado dahil sa landslide.

Sa ulat naman ni Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr., inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga namatay sa bayan ng San Francisco, kung saan dalawa ay nalunod habang tumatawid ng ilog, habang ang isa ay namatay matapos malunod habang tumatawid sa binahang kalsada.

Pagkalunod din ang ikinamatay ng tatlo pang katao sa Surigao del Sur, sa ulat ni Governor Alexander Pimentel.

Aabot na sa 1,590 families na binubuo ng 6,702 na indibidwal ang inilikas sa 57 barangay sa Davao Region at Caraga.

Nasa 25 lugar sa Bislig City sa Surigao del Sur; Prosperidad, San Francisco at Rosario sa Agusan del Sur; Bais City, Amian, at Tanjay City sa Negros Oriental.

Ang Bagyong Vicky ang ika-22 bagyong tumama sa bansa ngayong taon at nag-iwan ng pinsalang nagkakahalaga ng ₱105.4 million sa sektor ng imprastraktura.

Facebook Comments