9 sa 10 presidential candidates, naniniwalang dapat may pagbabago sa sistema para matapos ang problema ng korapsiyon sa bansa

Pabor ang 9 sa 10 presidential candidates na kinakailangang magkaroon ng pagbabago para tugunan ang problema ng kurapsiyon sa bansa.

Sa ginanap na presidential debate kahapon ng Commission on Elections (COMELEC), naglatag ng mga solusyon sina dating presidential spokesperson Ernesto Abella, Leody de Guzman, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, dating defense secretary Norberto Gonzales, Senator Panfilo Lacson, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., Senator Manny Pacquiao, at Vice President Leni Robredo.

• Sabi ni de Guzman, nararapat lamang na huwag nang payagan na lumahok sa eleksiyon ang mga pulitikong nagmula sa mga pamilyang nasangkot na sa kurapsyon.


• Nais naman ni Moreno na isulong ang digital transactions sa gobyerno upang maiwasan ang mga fixer sa iba’t ibang departamento.

• Para kay Gonzales, konstitusyon ang dapat baguhin lalo na’t naging normal na sa kasalukuyang sistema ang mga katiwalian.

• Leadership by example naman ang kinakailangan ayon kay Lacson dahil marami na aniyang mga batas ang umiiral laban sa korapsiyon at kinakailangan lamang itong ipatupad nang maayos.

• Samantala, ipinangako ni Mangondato na sakaling siya ang palarin ay magkakaroon ng pagbabago sa lahat ng sistema sa gobyerno.

• Naniniwala naman si Montemayor na kahit anong ganda ng sistema ay hindi masusugpo ang korapsiyon kung hindi muna babaguhin ang ugali ng isang tao.

• Habang isang malaking kulungan ang ipapagawa ni Pacquiao sakaling manalo kung saan dito raw niya ilalagay ang lahat ng mga kurap na opisyal ng gobyerno.

• Iginiit naman ni Abella na dapat mas malaki ang parte ng mga mamamayan sa mga ginagawa ng gobyerno upang matiyak ang pagiging malinis na pamamalakad.

• Para naman kay Robredo, dapat maging accountable, transparent at people empowered ang gobyerno kung saan muli rin niyang binanggit ang unang pipirmahang executive order na Full Disclosure Policy para maisapubliko ang lahat ng mga transaksyon at kontrata ng pamahalaan.

Tanging si dating senador Bongbong Marcos Jr. lamang ang hindi nakadalo sa ikalawang debate ng COMELEC na ginanap sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.

Facebook Comments