Mahalaga para sa mayorya ng mga Pilipino na makontrol ng Pilipinas ang mga islang inookupa ng China sa West Philippine Sea.
Batay sa 2nd quarter 2019 survey ng Social Weather Stations (SWS), 93% ng mga Pinoy ang nagsabing importanteng maibalik sa Pilipinas ang mga islang hawak ng China.
Dalawang porsyento naman nagsasabing hindi ito mahalaga habang 4% ang undecided.
Mataas ito kumpara sa 89% na naitala noong December 2018.
Lumabas din na 89% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi tamang pabayaan ng gobyerno ang militarisasyon at presensya ng China sa lugar.
Nasa 92% naman ang nagsabing kailangang palakasin ang military capability ng Pilipinas, partikular ang navy.
Umabot naman sa 83% ng respondent ang naghayag na mahalagang i-akyat ng gobyerno ang sigalot sa international organizations tulad ng United Nations o ASEAN para sa diplomatic at peaceful negotiation sa China.
At nasa 84% ng mga Pinoy ang nagsabing mahalagang magkaroon ng alyansa ang Pilipinas sa ibang bansa para idepensa ang West Philippine Sea.
Ang survey ay ginawa mula June 22 hanggang 26 gamit ang face-to-face interview sa 1,200 respondents.