Naglabas ng panibagong update ang Philippine General Hospital o PGH kaugnay sa mga pasyenteng inoobserbahan makaraang makainom at malason na lambanog sa laguna.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, ang tagapagsalita ng PGH, sa pinaka-huling update, siyam sa mga pasyente na nasa emergency room o ER ay nasa “red zone” o mga nasa kritikal na sitwasyon.
Umakyat naman sa apatnapu’t tatlo ang nasa “yellow zone” o mga pasyenteng kailangan ng urgent o agarang atensyong-medikal, habang labing tatlo ang nasa “green zone” o non-urgent.
Sinabi ni Dr. Del Rosario na dumami ang nasa “yellow zone”, na mula sa “green zone” dahil sa acidosis o sobrang acid na nararanasan ng mga pasyente.
Ang isang pasyente naman na nasa “red zone” ay nailipat sa Intensive Care Unit o ICU kagabi.
Sinabi ni Dr. Del Rosario na ang mga pasyente na dinala at inoobserbahan ng mga doktor at medical personnel ng PGH ay nasa edad 13-anyos na pinaka-bata, hanggang 75-anyos, at pawang mga residente ng Rizal, Laguna.