90%-95% ng kabahayan sa Dinagat Islands, winasak ng Bagyong Odette

Umabot sa 90% hanggang 95% ang pinsalang idinulot ng Typhoon Odette sa mga kabahayan sa Dinagat Islands.

Ayon kay Jeffrey Crisostomo, Public Information Office chief ng Dinagat Islands, matinding binayo ng malalakas na ulan at hangin ang kanilang mga komunidad.

Matatandaang pangalawang beses na nag-landfall ang bagyo sa Dinagat Islands noong Huwebes matapos na tumama sa kalupaan ng Siargao Island.


Sampu ang naitalang nasawi sa Dinagat Islands habang nasa 128,000 indibidwal ang apektado ng bagyo.

Minamadali na rin ang pagbabalik ng suplay ng kuryente at linya ng komunikasyon sa Dinagat Islands.

Samantala, anim naman ang naitalang nasawi sa Eastern Visayas.

Ayon kay Office of Civil Defense-Eastern Visayas Director Lord Byron Torrecarion, dalawa sa nasawi ay naitala sa Sogod, Southern Leyte at tag-iisa sa Macrohon, Inopacan, Maasin at Liloan sa Leyte.

Facebook Comments