Aabot na sa 90% ng kabuuang bilang ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang nabakunahan na ng first dose ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa datos ng Caloocan City Human Resource and Management Department, sa 5,433 kabuuang bilang ng mga empleyado, nasa 4,848 na ang nakapagpabakuna ng first dose as of July 12, 2021.
Samantalang nasa 51.44% naman o 2,795 Caloocan City employees ang nabakunahan na rin ng kanilang second dose.
Ayon kay Caloocan Mayor Oca Malapitan, patuloy niyang hinihikayat ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod na huwag sayangin ang pagkakataon upang magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.
Paliwanag ng alkalde, hindi sapilitan ang pagbabakuna subalit hinihikayat umano nila na magpabakuna dahil marami na ang mga nasa ospital at vaccination centers.
Dagdag pa ni Mayor Malapitan na bilang mga lingkod-bayan, mahalaga na mayroon silang pananggalang sa sakit sa araw-araw na pagseserbisyo sa mga mamamayan ng Caloocan.