Pinoproseso pa ng ating embahada sa Thailand ang hirit ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) doon na makabalik sila ng Pilipinas.
Ito ay kasunod nang napaulat na 3rd wave ng COVID-19 surge sa Thailand dahil sa pagpasok sa bansa ng Delta variant.
Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes na 90 mga kababayan natin ang nagpahayag ng intensyong makabalik sa Pilipinas.
Kapag naaprubahan, agad silang magsasagawa ng repatriation para sa ating mga kababayan.
Sa pinakahuling datos, mula sa tatlumpung libong Pinoy sa Thailand, 30 ang tinamaan ng COVID-19, 29 sa mga ito ang fully recovered na at isa na lamang ang aktibong kaso.
Paliwanag ni Amb. Paredes na nakapagtala nang muli ang Thailand ng record high cases sapagkat ngayong araw lamang ay nasa higit 13,000 ang new active cases doon bunsod ng Delta variant.
Maliban sa pagsunod sa protocols, sumulat na aniya ang embahada sa Thai government para mabigyan ng wider access sa vaccination ang ating mga kababayan.
Positibo naman aniya ang tugon dito ng Thai authorities at nagbukas na sila ng portal upang doon makapagrehistro ang mga kababayan nating nais magpabakuna.