90 percent compliance rate sa pag-i-inspeksyon sa mga establishment naitala ng DOLE Bureau of Working Conditions

Lumampas na sa target ang na-inspeksyon na mga establisyimento ng Bureau of Working Conditions ng Department of Labor and Employment o DOLE para sa taong ito.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Alvin Curada, Director ng Bureau of Working Conditions na nasa 80,915 na mga establisyimento ang kanilang nainspeksyon mula sa target nitong 75,000 mula buwan ng Enero hanggang Oktubre ng taon.

Sinabi ni Curada, na nitong November 2022 nasa 90% ang compliance rate ng mga establisyimentong kanilang naitala, pangunahin dito ang Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, Regions 6, 7 at 10.


Hindi naman aniya malaki ang pagkakaiba ng compliance rate ng iba pang mga rehiyon sa bansa.

Kabilang aniya sa mga nakitang kakulangan ng mga establisyimento sa ginawang inspeksyon ay ang kulang na first aiders at safety officers at walang naipatutupad na occupational safety ang health program

Kaya payo ni Curada sa mga establisyimentong ito, piliting makasunod sa hinahanap na requirements para sa susunod na inspeksyon sa susunod na taon.

Ayon sa opisyal, karaniwan sa isinagawa nila ay routine inspection, batay sa listahan ng Philippine Statistics Authority at mga lokal na pamahalaan, at complaint inspection base sa mga natanggap na reklamo na idinulog sa DOLE ng mga manggagawa.

Nagsagawa rin sila ng occupational safety inspection sa mga establsihment kaugnay naman sa mga nangyayaring aksidente at hindi maayos na working condition, upang masiguro ang kaligtasan at maayos na kalusugan ng mga manggagawa.

Facebook Comments