City, Isabela- Umabot na sa 90 percent ang mga nakapagpatala para sa School year 2020-2021 ng Schools Division Office sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Cauayan habang papalapit ang pasukan sa Agosto 24.
Ayon kay Dr. Alfredo Gumaru, Schools Division Superintendent,tinatayang nasa mahigit 24,000 ang mga nakapagpatalang mag-aaral at posibleng madaragdagan pa ang mga mageenroll sa ginagawang drop/remote enrollment sa mga paaralan.
Lumalabas sa pinakahuling tala, isa ang Grade 11 hanggang Grade 12 sa may pinakamataas na bilang ng mga enrollees sa kabila ng banta ng pandemya.
Muling nagpaalala ang opisyal na hindi sapilitan ang pagbili ng gadget para lang makasabay sa ‘online classes’ dahil may iba pa namang paraan para makapag-aral.
Samantala, pirmado na at ganap ng batas ang pagpapatupad na maisama sa curriculum ng mga paaralan sa bansa ang Good Manners and Right Conduct (GMRC).
Sa pagkakataong ito, ipinunto rin ng opisyal na nagsisimula sa tahanan ang pagkakaroon ng magandang pag-uugali ng isang mag-aaral.
Ipinag-utos naman ni Gumaru sa lahat ng mga paaralan sa lungsod na mangyaring tanggapin pa rin ang mga estudyante na lilipat ng mga pampublikong paaral mula sa mga private schools.