90 percent ng Marawi City, nabawi na ng Armed Forces of the Philippines

Manila, Philippines – Nabawi na ng tropang gobyerno ang 90 porsyento ng Marawi City mula sa Maute group.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, patuloy ang pagsusumikap ng militar na malipol ang nalalabi pang puwersa ng mga terorista na nagsagawa ng paglusob sa Marawi.

Aniya, mayroong walong miyembro ng Maute ang nahuli ng militar na nagbigay ng mahahalagang impormasyon hinggil sa kanilang grupo na lumusob sa Marawi City simula noong Mayo 22.


Kasabay nito, nagpaalala naman si Padilla sa mga sibilyan para hindi madamay sa gulo sa Marawi City.

Nitong Martes nang ilabas ng AFP ang ultimatum na ‘surrender or die’ laban sa Maute group at Abu Sayyaf Group sa lungsod.

Bukod sa mga lokal na terorista ay tinatayang nasa 40 dayuhang teroristang Jihadists ang napaulat na sumasabak rin sa bakbakan sa Marawi City.

Pero giit ni Padilla, ina­alam pa nila ang eksaktong bilang ng mga ito.

DZXL558

Facebook Comments