Manila, Philippines – Inirekomenda ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ilipat sa mga programa at proyekto sa social services ang 900 million na budget sa war on drugs ng Duterte administration.
Ito ay kasunod ng tuluyang pagalis sa 900 Million na pondo sa Oplan Double Barrel para sa kampanya sa iligal na droga sa susunod na taon dahil ang PDEA na ang inatasan para sa war on drugs.
Ayon kay Zarate, sinusuportahan nila ang hakbang ng Senado dahil ito rin ang posisyon nila sa Makabayan sa Kamara.
Pero, mas makakabuti aniya kung i-re-rechannel o ililipat ang nasabing pondo sa mga social services projects tulad ng pagpapatayo ng ospital, pangkabuhayan at pabahay para sa mga mahihirap.
Sa ganitong paraan ay mapapakinabangan pa ng husto ang budget na maaaring maging sagot sa problema sa kahirapan na siyang nagiging ugat kung bakit malaki ang problema ng droga sa bansa.