
Bilang selebrasyon ng National Volunteer Month, nagsagawa ang RMN Foundation ng tree planting activity sa Angat Rainforest Watershed bilang kanilang proyekto sa ilalim ng Lingap Kalikasan.
Nasa 900 na seedlings ang itinanim kung saan 800 sa mga ito ay native habang 100 naman ay fruit bearing trees gaya ng soursop o guyabano.
Ayon kay RMN Foundation Corporate Social Responsibility Manager Patrick Aurelio, ang inisyatibong ito ay malaking tulong sa kalikasan at malaking hakbang para sa corporate social responsibility ng mga empleyado ng RMN.
Bukod sa Metro Manila, ang naturang proyekto ay isinasagawa rin ng mga regional station sa buong Pilipinas.
Samantala, ibinahagi naman ng ilan sa mga empleyado ng RMN ang kanilang kasiyahan na maging parte ng proyekto at makatulong sa kalikasan.
Habang umaasa rin sila na mabuhay at lumago ang kanilang itinanim na punla.
Ang tree planting activity ay nilahukan ng mga empleyado ng DZXL News 558, iFM 93.9, DWWW 774, RMN Marketing and Media Ventures.
Kasama rin sa isinagawang proyekto ang mga tauhan mula naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa tulong ng Rotary Club of Kamuning, CaPEx, at Aboitiz Power.









