900 tauhan ng MMDA, ipakakalat ngayong araw para sa pilot run ng Single Ticketing System

Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Armando Artes, aabot nga sa 900 na tauhan ng MMDA ang ipakakalat ngayong araw sa pilot areas ng pagpapatupad ng Single Ticketing System sa pitong lungsod sa Kalakhang Maynila kung saan kasama rito ang Maynila, Paranaque, Caloocan, Quezon City, San Juan, Muntinlupa at Valenzuela.

Ayon kay Chairman Artes, ngayon ay hindi pa gaanong visible ang kanyang mga tauhan dahil kaka-turn over lang ng night shift sa morning shift na ang duty ay alas-5:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon, pero inaasahan na sa mga susunod na oras ay darami na ang kanilang presensya sa kalsada.

Dagdag pa ni Artes, layunin ng sistema na mapabuti ang “Traffic Management” sa Kalakhang Maynila kung saan ang 900 na MMDA enforcers ang siyang gagabay sa mga motorista kaugnay sa bagong polisiya.


Inaasahan na malaking ginhawa ang maidudulot ng Single Ticketing System dahil ang Top 20 na “Most Common Traffic Violations” ay may pare-pareho ng multa at hindi nakukumpiska ng traffic enforcers ang mga lisensya.

Kasama sa Metro Manila Traffic Code of 2023, na magsisilbing guidelines para sa system ang mga parusa para sa 20 Most Common Violations o mga kadalasang paglabag sa trapiko.

Facebook Comments