Natapos na ang trabaho ng 5-man advisory group na sumala sa mga inihaing courtesy resignation ng mga 3rd levels official ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., kahapon ang huling pulong ng komite kung saan tinapos na nila ang vetting process.
Ani Azurin, base sa inisyal na pagsasala ay nasa 917 courtesy resignations ang hindi tinanggap ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Ibig sabihin, ang nasa higit 30 courtesy resignations ng mga koronel at heneral ay sasalaing muli ng NAPOLCOM bago tuluyang isumite at aprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Nabatid na nasa 955 ng mga 3rd level official ng PNP ang naghain ng courtesy resignations kung saan ang iba rito ay nagretiro na sa serbisyo.
Matatandaang hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) SecretaryBenhur Abalos ang 3rd level officers ng PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation na layong linisin ang hanay ng Pambansang Pulisya mula sa iligal na droga.