92 milyong balota, naimprenta na para sa paghahanda sa gaganaping Barangay at SK Election

Umabot na sa 92 milyong balota ang naimprenta ng Commission on Election (COMELEC) sa paghahanda para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa October 30.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. John Rex Laudiangco, ang tagapagsalita ng COMELEC na kasama sa mga naimprenta ay ang election returns at iba pang kakailanganin para sa halalan.

Dahil dito isang daang porsyento na aniyang handa ang COMELEC para sa nakatakdang halalan.


Isang buwan naman bago ang halalan ay sasanayin na ng COMELEC ang mga guro na magiging miyembro ng electoral board.

Habang isang linggo o dalawang linggo naman bago ang eleksyon ay ibabyahe na ang mga balota at iba pang naimprentang kagamitan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Laudiangco na nagsimula na rin ang pagpupulong ng COMELEC, PNP at AFP para naman matiyak na magiging malinis at tapat ang gaganaping halalan sa Oktobre.

Facebook Comments