Umaabot na sa 92% ng sinasabing ₱15 bilyon na nawawalang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang na-liquidate na.
Ayon kay PhilHealth President & CEO Dante Gierran, utos sa kanya ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na i-liquidate ang umano’y nawawalang pera ng state insurer.
Sa ngayon, kaunti na lamang ang kailangan nilang i-liquidate at hindi aniya siya papayag na maglahong parang bula ang pera ng taumbayan.
Noong August 2020, matatandaang ibinunyag ni resigned PhilHealth anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na binulsa umano ng ilang tiwaling opisyal ng PhilHealth ang naturang halaga ng pera sa pamamagitan ng iba’t ibang fraudulent schemes.
Ani Gierran, nasa 13 opisyal at kawani na ng PhilHealth ang sinuspinde, marami na rin aniya ang nakasuhan sa Office of the Ombudsman habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon hinggil sa katiwalian sa PhilHealth.