Cauayan City, Isabela- Umabot sa 93 libong pamilya ang umaapela sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development sa rehiyon dos sa kabila ng hindi nila pagkakasama sa naayudan sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.
Ayon kay Regional Information Officer Jeanette Lozano ng DSWD-2, kinakailangan talaga aniyang pakinggan ang mga nasabing bilang ng pamilya na hindi napabilang sa ayuda dahil posibleng ang iba ay karapat-dapat na mabigyan ng tulong pinansyal.
Dagdag pa niya, tinatayang nasa 90 porsyento ang mga nabigyan ng ayuda sa buong rehiyon maliban nalang sa probinsya ng batanes sa kabila ng hirap pa rin sa pagbibigay dahilan sa hindi accessible ang ibang LGUs sa lalawigan.
Posible naman aniyang magkaroon pa ng ikalawang bugso ng pagbibigay ayuda sa apektadong pamilya dahil sa nararanasang krisis subalit depende ito sa kakayahan ng Local Government Unit na maliquidate ang mga naunang ayudang naipamahagi na.
Sa kabila nito ay tanging Bayan ng Diadi sa Nueva Vizcaya at isa pang bayan sa probinsya ng Cagayan ang nakakakumpleto ng liquidation sa buong rehiyon.
Tinitiyak naman ng pamahalaan na mabibigyan ng ayuda ang mga higit na nangangailangan upang tugunan ang kanilang sitwasyon sa kabila ng krisis sa bansa.