93 percent o mahigit 33,000 ng mga active cases ng COVID-19 sa bansa, nadiskubreng hindi naka-admit sa mga ospital!

Natuklasan ng Department of Health na 93 percent o mahigit 33,000 ng mga active cases ng Coronavirus Disease 2019 ang hindi naka-admit o wala sa mga ospital sa bansa.

Makikita sa datos ng DOH nitong July 15, 2020, na nasa 33,786 COVID-19 cases ang hindi naka-admit sa mga pagamutan at posibleng nasa kanilang mga tahanan lamang.

Batay sa DOH data drop, 31,090 o 92 percent ng active cases ay mild, 2,551 ang asymptomatic, habang 2,184 ang naka-confine sa mga ospital.


Nabatid na mayorya ng active cases ay nasa Metro Manila, sinundan ng Central Visayas at Calabarzon.

Ang Cebu City ang may pinakamataas na bilang ng active COVID-19 cases ng mga hindi naka-confine sa mga pagamutan.

Una nang inihayag ng pamahalaan na magsasagawa sila ng house to house search sa mga mild at asymptomatic COVID-19 carriers para i-transfer sa mga isolation at treatment facilities sa pamamagitan ng “Oplan Kalinga.”

Sa ngayon ay nasa 61,266 ang confirmed cases ng COVID-19 sa Pilipinas kung saan 38,183 sa mga ito ay active at nagpapagaling sa mga treatment o quarantine facilities.

Facebook Comments