Maaari nang simulan ng mga telecommunications companies ang pagtatayo ng kanilang cell site towers para mas mapalawak ang serbisyo ng komunikasyon sa maraming sulok ng bansa.
Ito’y matapos aprubahan ang 933 na mga telecommunications permits mula sa mga government agencies at lokal na pamahalaan sa nakalipas na dalawang buwan.
Sa ulat ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), mas pinabilis ang pag-usad ng mga aplikasyon ng mga telcos para maitayo ang kanilang mga tower.
Inirereklamo kasi ng mga telcos ang usad pagong na proseso ng kanilang mga permits habang ang ibang kawani ng gobyerno ay naghihintay ng lagay kung kaya’t natatagalan ang pagtatayo ng kanilang mga cell site towers.
Dahil sa deadline na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kanyang State of the Nation Address (SONA), agad kumilos ang ARTA para tulungan ang mga telcos na pabilisin ang proseso ng kanilang aplikasyon.
Tiniyak naman ng ARTA na magkakaroon ng pagbabago sa speed o bilis ng komunikasyon sa mga susunod na buwan sakaling maitayo na ang mga dagdag na tower ng mga telecommunications companies.