*Cauayan City, Isabela- *Iginiit ni Lt. Colonel Gladius Calilan, pinuno ng 95th Infantry Battalion ng Philippine Army na mismong mga lokal na opisyal at ng LGU San Mariano ang nagsabi na maganda at maayos ang kanilang pamamahala at ugnayan sa nasabing bayan.
Taliwas aniya ito sa sinasabing resulta ng fact finding mission ng mga grupong Gabriela, Karapatan, Dagami, Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela at iba pang mga organisasyon na may mga nakita umanong paglabag sa karapatang pantao ang mga kasundaluhan sa mga mamamayan ng San Mariano.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt. Col. Calilan, bago pa isagawa ang Fact Finding Mission noong Agosto 8 hanggang Agosto 10, 2019 sa ilang liblib na lugar ng San Mariano ay nagkaroon na ng Commmittee hearing kung saan inihayag at pinatunayan umano ng mga local officials at ng LGU na walang naitatalang pang-aabuso ang militar sa mga residente sa lugar.
Nilinaw rin ni Lt. Col. Calilan na ang mga grupong nagsagawa ng Fact Finding Mission ay mga illegal organizations dahil hindi aniya nakarehistro ang mga ito sa Securities and Exchange Commission (SEC) gaya ng KARAPATAN.
Kanya rin ibinahagi na ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Kilusang Mayo Uno (KMU) at Gabriela ay nabanggit aniya ni Jose Maria Sison, ang Founder ng Communist Party of the Philippines (CPP) na kabilang ang mga ito sa National Democratic Forces ng CPP habang ang Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela at Dagami naman ay umbrella o nagsisilbing underground ng KMP.
Ayon pa kay Lt. Col. Calilan, nagpapakita lamang ito na gustong sirain ng mga nasabing iligal na organisasyon ang kredibilidad ng militar sa nasabing bayan.
Gayunman, tiniyak pa rin ni L/Col. Calilan na mabibigyan ng pinakamataas na parusa ang sinumang sundalo na mapapatunayang sangkot sa kabalbalan o pang-aabuso sa mga mamamayan ng San Mariano.
Dagdag dito, bigo namang makapasok sa Barangay Dibuluan ang mga nasabing organisasyon para sana sa gagawin rin fact finding mission matapos silang harangin ng mga residente na may hawak-hawak na placards bilang pagpapakita na sila’y tutol sa pagpasok sa kanilang barangay.
Samantala, sa kabila ng nasabing usapin ay hinihikayat pa rin ng kasundaluhan ang mga rebelde na magbalik loob sa pamahalaan upang matamasa ang mga ayuda at tulong na inilaan ng gobyerno.