Aabot sa 97 porsyento ng 10,045 na barangay sa Northern at Central Luzon ang nagpasa ng mga resolusyon na nagdeklara sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) bilang persona non grata.
Ayon kay Northern Luzon Acting Commander Major Gen. Andrew Costelo, pagpapakita ito ng lubusang suporta sa kampanya ng pamahalaan na wakasan na ang Communist Armed Conflict.
Sinabi naman ni NOLCOM Assistant Chief of Unified Command Staff for Civil-Military Operations Col. Alaric Avelino Delos Santos na lahat ng 23 lalawigan, 29 na siyudad at 394 munisipalidad ang nagdeklara sa Communist terrorist groups bilang persona non grata.
326 barangay na lang aniya ang kasalukuyang nasa proseso ng papasa ng kani-kanilang mga kahalintulad na resolusyon.
Dagdag pa ni Costelo, resulta ito ng malawakang pagsulong ng NOLCOM ng Community Support Program (CSP) katuwang ang mga stakeholders upang ihatid ang serbisyo ng gobyerno sa mga bulnerableng komunidad.
Ang CSP ang flagship program ng AFP para tugunan ang ugat ng insurgency sa halip na paggamit lang ng tradisyunal na pwersang militar kontra sa kilusang komunista.