Aabot sa 98 na mga indibidwal ang nagpositibo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kasunod ng isinagawang mass testing.
Ito ang kinumpirma ni House Sec. Gen. Mark Llandro Mendoza kung saan kasama na sa bilang na ito ang mga kongresista at mga empleyado sa Batasan Complex.
Katumbas ito ng 5 porsyento ng 2,000 na mga house members at house employees na sumailalim sa Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing mula November 10.
Hindi naman malinaw kung ilan sa mga ito ang kongresista, congressional staff at mga empleyado.
Ayon kay Mendoza, ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng mass testing sa Kamara magmula nang ideklara ang COVID-19 pandemic noong Marso at ito ay ginawa sa loob lamang ng halos isang buwan matapos na maupo si Speaker Lord Allan Velasco.
Sinabi rin nito na karamihan sa mga nagpositibo sa virus infection ay asymptomatic.
Agad ding ipinagutos sa mga positibo sa sakit ang self-isolation upang maiwasan ang hawaan sa iba pang myembro at empleyado.
Nakikipagugnayan na rin aniya ang Kamara sa lokal na pamahalaan ng Quezon City upang magsagawa ng extensive contact tracing sa loob ng Batasan.
Bukod sa 98 na nagpositibo sa mass testing, nauna nang nakapagtala ng mahigit sa 80 COVID-19 cases ang Kamara mula noong Marso kung saan 2 kongresista at 3 employees na ang nasawi.