98% ng mga Pilipino, suportado ang libreng matrikula sa mga public university

Lumabas sa Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senator Sherwin Gatchalian na 98 percent ng mga Pilipino sa buong bansa ay suportado ang libreng matrikula sa mga pampublikong pamantasan.

Ang survey ay ginawa mula September 10 hanggang 14, 2023 sa 1,200 adult respondents.

Ang pagiging pabor sa libreng matrikula para sa mga estudyante sa lahat ng mga public universities ay makikita sa lahat ng classes ng lipunan kung saan 99 percent sa Class A, B at C, 97 percent sa Class D at 100 percent sa Class E.


Maging sa demographic regions ay kapansin-pansin din ang suporta sa libreng edukasyon sa kolehiyo kung saan 98 percent sa National Capital Region (NCR), 96 percent sa Balance Luzon, 99 percent sa Visayas habang 100 percent naman sa Mindanao.

Pinakapangunahing rason ng mga sumusuporta sa free tuition sa mga public universities ay dahil mas maraming napo-produce na graduates na nasa 51 percent.

Mayroon namang 1 percent na hindi pabor sa libreng matrikula sa mga pamantasan kung saan kabilang sa mga dahilan nila ay ang kawalan ng de kalidad na edukasyon at kakulangan ng pondo sa mga public universities.

Kinatigan naman ni Gatchalian ang resulta ng survey kung saan mula nang ipatupad ang free tuition sa public universities noong 2018-2022 ay tumaas ang bilang ng mga senior high school na pumasok sa kolehiyo na nasa 81 percent kung ikukumpara noong school year 2013-2014 at 2014-2015 kung saan nasa 54 percent at 62 percent lang ang progression rate ng high school papuntang college.

Facebook Comments