Dalawang porsiyento na lang nang naapektuhang residente ng kalamidad kamakailan sa Northern Samar ang hindi pa nakakabalik sa kanilang mga tahanan.
Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Samar Provincial Disaster Risk Reduction Management Office Head Josh Echano na ang mga nakabalik na sa kanilang bahay ay mula sa 95% affected families na tinamaan ng malakas na pag-ulan at mga pagbaha.
Nabawasan na rin aniya ang mga isolated barangay na nasa may lima hanggang 10 na lamang at nasa may 2,000-3,000 mga indibidwal.
Ito naman aniya’y hinahatiran ng tulong ng Armed Forces of the Philippines gamit ang chopper.
Sa pagtaya naman ni Echano ay posibleng maabot ang early recovery ng isa hanggang tatlong buwan bago makabalik sa normal ang sitwasyon sa lalawigan pero posibleng umabot ng anim hanggang Isang taon ang infrastructure recovery dahil malaki ang nilikhang pinsala ng nagdaang kalamidad sa lalawigan.