Mga paliparan sa bansa, naka-heightened alert ngayong holiday season

Inilagay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa heightened alert status ang lahat ng paliparan sa buong bansa bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario, kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero ang kanilang pangunahing prayoridad.

Nakalatag na ang mga Malasakit Helpdesk sa mga paliparan upang umalalay at umaksyon sa mga concern ng mga pasahero at turista.

Samantala, nananatili ring naka-heightened alert ang mga security personnel upang mapanatili ang kaayusan at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. Naka-standby na rin ang mga medical team para sa agarang pagtugon sakaling may emerhensiya.

Nakikipag-ugnayan din ang CAAP sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang PNP–Aviation Security Group, Office for Transportation Security, Department of Tourism, at Civil Aeronautics Board, upang masiguro ang maayos at episyenteng pagproseso ng mga pasahero, lalo na sa mga check-in counter.

Inaasahan ng CAAP na aabot sa 960,000 pasahero ang dadagsa sa mga paliparan ngayong holiday season—7 porsiyentong mas mataas kumpara sa 895,000 pasahero na naitala noong nakaraang taon.

Pinapaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag, sumunod sa mga airport protocol, at makipag-ugnayan sa mga security at airport personnel upang matiyak ang ligtas at episyenteng operasyon ng mga paliparan ngayong holiday season.

Facebook Comments