
Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malawakang pag-upgrade ng mga paliparan at imprastraktura upang palakasin ang ekonomiya at mas pagdugtungin ang mga rehiyon sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ng Pangulo sa pagdiriwang ng ika-85 anibersaryo ng Philippine Airlines at sa paglulunsad ng bagong Airbus A350-1000 sa Villamor Air Base, Pasay City.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang modernong air transport sa pagpapabilis ng kalakalan, turismo, at pag-unlad ng mga probinsya.
Dahil dito, isinusulong ang pagtatayo at pagpapalawak ng mga terminal sa Siargao, Davao, Laguindingan, Bohol–Panglao, at Caticlan airports.
Kasabay nito ang patuloy na modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport sa ilalim ng public-private partnership, kabilang ang mga bagong pasilidad at immigration eGates upang gawing mas mabilis at maayos ang biyahe.
Sinabi ng Pangulo na ang mga proyektong ito ay pamumuhunan ng pamahalaan sa koneksyon, trabaho, at pangmatagalang pag-unlad ng bansa.










