Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pagpapatupad ng “no cellphone policy” sa lahat ng operating prisons and penal farms (OPPFs) sa buong bansa.
Ito ay bilang bahagi ng heightened security protocols sa lahat ng mga bilangguan sa bansa.
Sa kanyang memorandum sa superintendents ng prisons at penal farms sinabi ni Catapang na sakop nito ang lahat ng Commissioned Officers, Noncommissioned Officers, Civilian Personnel, mga bisita at sa lahat ng mga papasok sa premises ng NHQ-BuCor Offices, NBP Camps at mga bilangguan.
Ipinag-utos din ni Catapang sa lahat ng superintendents ang pagpapaigting ng security screening o mahigpit na inspeksyon sa lahat ng entry at exit points para maiwasan ang pagpuslit ng cellular phones.
Magkakaroon din ng random inspections sa prison dormitories at work areas ng BuCor personnel para sa ipinagbabawal na devices.
Kukumpiskahin naman ang mga makukuhang cellular phone o kahalintulad na devices at kapag ang nahulihan ay BuCor personnel, sila ay papatawan ng administrative at criminal sanctions.