Mga matataas na lider ng Kamara, nabahala sa paglabag ni VP Sara sa seguridad at patakaran ng Kamara

Nababahala ang Liderato ng Kamara sa ginawang paglabag ni Vice President Sara Duterte sa seguridad at patakaran sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Pahayag ito nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Deputy Speaker David Suarez makaraang hindi na lumabas ng Batasang Pambansa si VP Sara.

Ipinunto ng tatlong matataas na lider ng Kamara na kahit lampas na sa regular na oras ng pagbisita ay pinagmalasakitan nila si VP Sara at binigyan ng espesyal na pahintulot na bisitahin ang kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez, na nasa detention facility ng Kamara.


Paalala nina Gonzales, Dalipe at Suarez sa lahat, may mga patakaran at protokol na sinusunod sa Mababang Kapulungan para tiyakin ang seguridad at kaayusan na hindi dapat basta-basta nilalabag ninuman.

Kanilang ipinunto na ang hindi pagsunod dito ay pagsira o kawalan ng respeto sa kamara na isang institusyon na nagsisilbi sa taumbayan.

Facebook Comments