Aabot sa ₱500,000 hanggang ₱4 milyon ang posibleng multa sa mga lalabag sa data privacy kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa SIM Card Registration Act.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan Uy na nagpapatuloy ang ginagawang pagbalangkas sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng naturang batas.
Ayon kay Uy, kailangan talaga na maayos kung anu-anong paglabag ang sakop ng multa na ipapatupad hinggil sa naturang batas.
Kasunod pa nito, tinitiyak aniya nila mapapangalagaan ang data privacy ng nagmamay-ari ng SIM card.
Dagdag pa ng kalihim, responsibilidad ng mga telecommunications companies ang pag-iingat ng anumang impormasyon ng kanilang subscribers.
Paliwanag ni Uy, ang mga telecommunications companies ang primary repository ng anumang impormasyon ng isang subscriber lalo na ang mga postpaid clients na matagal na nilang hawak.
Kaya naman, kung magkaroon aniya umano ng data leak ay pananagutin ang mga telcos.
Una nang kinumpirma ng National Telecommunications Commission (NTC) na tatapusin nila ang IRR ng SIM Card Registration Act sa loob ng dalawang buwan o 60 araw.