Manila, Philippines – Inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang konsulado ng Pilipinas sa Jeddah na si Consul Rodney Jonas Sumague, na imbestigahan ang napaulat labing isang OFW na nawalan ng katinuan sa pag-iisip sa Jeddah.
Ayon kay Bello, bagamat nabigyan na ng paunang lunas ang mga OFW, at ngayon ay nasa pangangalaga ng konsulado, dapat umanong malaman ang tunay na dahilan ng kanilang pagkakasakit.
Una ng sinabi ni Sumague na iba’t-iba ang kwento o salaysay ng mga Overseas Filipino Worker, ilan pa aniya sa kanila ay mismong employer na ang nakipag-ugnayan sa konsulado ukol sa kalagayan ng pag-iisip ng Overseas Filipino Worker.
Paliwanag naman ng POLO-OWWA o Philippine Overseas Labor Office – Overseas Workers Welfare Administration, karamihan sa mga nawala sa katinuan ay mga baguhan na wala pang isang taon sa trabaho.
Giit ng opisyal, kinakailang pa rin nilang sumailalim sa masusing obserbasyon ng mga eksperto para matukoy ang tunay na sanhi ng kanilang naging kalagayan.