AARANGKADA NA | Dry run ng HOV scheme at provincial bus ban sa EDSA, ipatutupad na

Manila, Philippines – Sisimulan na ngayong araw ang dry run ng High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme o pagbabawal sa mga sasakyan na dumaan sa EDSA na driver lamang ang sakay.

Ayon kay Metro Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia, hindi muna huhulihin ang mga lumabag sa HOV scheme sa dry run.

Sakop ng dry run ang lahat ng lane sa EDSA mula North Edsa, Quezon City hanggang Magallanes, Makati City.


Sa ilalim ng HOV, bawal ang mga sasakyan na dumaan sa EDSA na driver lamang ang sakay mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga at mula alas-6 hanggang alas-9 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes.

Sabi ni Garcia, isang linggo isasagawa ang dry run kaya posibleng sa susunod na linggo magkaroon na ng full implementation kapag nakita nilang mainam nang gawin ang scheme na ito.

Pero kapag opisyal na ang HOV scheme, no-contact scheme ang ipapataw laban sa mga pasaway na drayber.

Samantala, ipapatupad na rin ngayong araw ang pagba-ban sa mga provincial bus sa EDSA.

Bawal ang mga provincial bus na dumaan ng EDSA mula alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes.

Ang mga mahuhuling lalabag ay papatawan ng multang P2,000.

Facebook Comments