AARANGKADA NA | Imbestigasyon sa sumadsad na Xiamen plane, uumpisahan na

Manila, Philippines – Sisimulan na ng House Committee on Transportation ngayong umaga ang imbestigasyon kaugnay sa krisis na idinulot ng sumadsad na Xiamen Airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay House Committee on Transportation Chairman Cesar Sarmiento, tututok muna ang komite sa naging kakulangan ng airport at aviation agencies sa pagresponde kaya tumagal ng ilang araw ang kalbaryo na dinanas ng mga airline passengers.

Malinaw aniya na may pagkukulang ang ilang ahensya ng gobyerno para tugunan ang ganitong klase ng problema.


Nais ng Kamara na makahanap ng paraan kung papaano makatutulong para hindi na maulit ang ganitong krisis.

Hindi pa naman pahaharapin ngayong araw ang mga kinatawan ng Xiamen airline at ang piloto ng nadisgrasyang eroplano dahil ito ay under investigation pa ng CAAP.

Ang mga opisyal muna ng DOTr, CAAP, Civil Aeronautics Board (CAB), Manila at Clark International Airport Authority at International Air Transport Association ang ipinatawag sa pagdinig sa araw na ito.

Kasama din sa ipinatawag sa kamara ang mga taga Department of Foreign Affairs (DFA), Tourism, Health, Trade and Industry, DSWD, OWWA, Bureau of Customs (BOC), Immigration at maging ang taga Bureau of Fire Protection (BFP).

Facebook Comments