AASIKASUHIN | Pagbalangkas ng batas laban sa ilang uri ng kontraktwalisasyon, pamamadaliin na sa Kongreso

Manila, Philippines – Tiniyak ng mga mambabatas na agad nilang aasikasuhin sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ang pagbalangkas ng batas laban sa ilang klase ng kontraktwalisasyon.

Ayon kay Senate Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva, gagawin nilang gabay ang Executive Order (EO) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, isa sa kanilang lilinawin ang labor only contracting na ilegal pero napapalusutan ng maraming employers.


Sabi naman ni House Committee on Labor Chairman Cagayan Representative Randolph Ting, lilinawin rin nila ang mga klase ng kontraktwalisasyon na dapat payagan at ipagbawal at sinu-sinong mga empleyado ang dapat nasa regular na posisyon.

Pag-aaralan rin aniya nila kung tuluyan ng ipagbabawal ang sub-contracting o pagkuna ng isang employer ng kaniyang mga tauhan sa pamamagitan ng “middleman” gaya ng mga manpower agency.

Giit naman ni Senate President Koko Pimentel, magiging prayoridad ng senado ang pagpasa ng kanilang bersyon ng kontraktwalisasyon sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo 15.

Aniya, kapag pasado na ito, saka pag-iisahin ng senado at kamara ang kanilang mga bersyon ng kontraktwalisasyon para makabuo ng panukalang isasabatas ng Pangulo.

Facebook Comments