Ifugao – Target ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na simulan ang rehabilitasyon ng Banaue Rice Terraces bago matapos ang taon.
Kabuuang P71 million ang inilaan sa General Appropriations Act para sa rehabilitation at restoration ng collapsed terraced walls ng pamosong Banaue Rice Terraces.
Una nang iniulat ng local na pamahalaan ng Banaue na mahigit 500 hectares o 33.6 percent ng Banaue Rice Terraces ang nasira na , napinsala o inabanduna sa paglipas ng panahon.
Aayusin at patitibayin ng TIEZA ang mga stonewalls at pagbubutihin ang mga trekking trails ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) world heritage site sa nasabing rehabilitation project.
Kabilang sa National Cultural Treasures ng bansa, ang Banaue Rice Terraces ay itinayo ng Ifugao sa pamamagitan ng kamay na may 2,000 taon na ang nakalilipas.
Kasabay nito, inaprubahan din ng TIEZA ang rehabilitasyon ng unang hotel sa Ifugao ang Banaue Hotel at Youth Hostel na matatagpuan sa gitna ng Banaue Rice Terraces.