Manila, Philippines – Siniguro ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na aayusin nila ang anumang pagkakautang sa mga Electricity providers.
Ito ay matapos umapela si Department of Energy Secretary Alfonso Cusi sa mga unipormadong hanay tulad ng AFP na bayaran agad ang lahat ng mga pagkakautang nito upang hindi malagay sa kompromiso ang suplay ng kuryente sa bansa.
Matatandaang lumabas sa report ng DOE na ang AFP ang may pinakamalaking pagkakautang sa may dalawampu’t tatlong electric cooperatives sa iba’t ibang panig ng bansa na nagkakahalaga ng mahigit Sampung Bilyong piso
Ngunit ayon kay AFP Spokesman BGen. Edgard Arevalo, luma na ang natanggap na report ng DoE dahil nabayaran na ang ilang pagkakautang nito.
Mula sa mahigit Apat na milyong pisong utang ng Philippine Navy nuong Agosto, bumaba na aniya iyon sa halos Dalawang Milyon na lamang habang buo nang nakabayad sa utang ang Air Force nitong Setyembre.
Sinabi ni Arevalo, kaya lumaki ng ganuon ang utang ng AFP ay dahil sa madaliang paniningil ng mga kooperatiba gayung matagal naman aniya ang proseso nila sa pagbabayad kaya’t hindi iyon umaabot sa deadline.